Ilang mga guro nag-aalinlangan sa COVID vax

Ilang mga guro nag-aalinlangan sa COVID vax

December 6, 2021 @ 3:24 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na mayroon pa ring ilang mga guro ang nag-aalinlangan na magpabakuna kahit na nagsimula na ang pilot run ng face-to-face classes.

“Unfortunately mayroon pa ring hesitancy among teachers sa bakuna, kasi sila ay namimili ng bakuna na gusto nilang iturok sa kanila, kailangan din ng enough na education kaugnay ng mga bakuna,” pahayag ni Castro sa isang webinar nitong Linggo.

“Sa aming tantya, 60 percent ay bakunado na at nagtutuloy-tuloy naman yan eh,” dagdag niya.

Nauna nang sabihin ng isang palace adviser na kailangang bayaran ng manggagawang ayaw magpabakuna ang RT-PCR tests.

Subalit iginiit ni Castro na dapat itong sagutin ng pamahalaan sa kaso ng mga guro.

“Kung gusto nilang mag mandatory testing dapat ilibre ito either pwedeng sa Philhealth o pwedeng ilibre sa employer. ‘Wag gawin itong pabigat,” ani Castro.

Aniya pa, kailangang bigyan ng mas matinding proteksyon ang mga guro sa pagsisimula ng face-to-face classes sa mas maraming paaralan ngayong araw.

“Kailangan protektado ang mga teachers, yung retrofitting ng ating mga schools para sa handwashing facilities, sanitation, water facilities, yung mga rooms natin arranged in such a way na mayroong 1.5-2 meters away ang bata,” giit ni Castro.

“Kung may magkasakit na bata o teachers, kailangan may standby na doctors or nurse, ito ang dapat paghandaan,” dagdag pa niya. RNT/SA