Ilang opisyal ng PNP Northern Samar, winalis

Ilang opisyal ng PNP Northern Samar, winalis

August 10, 2018 @ 7:10 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Ipinag-utos ni Philippine National Police o PNP Chief Director Oscar Albayalde ang pagsibak sa tatlong opisyal ng Northern Samar Police.

Ayon kay PNP Spokesperson Benigno Durana, ito ang direktiba ng hepe ng kapulisan kasunod ng naganap na pagsalakay ng mahigit isang daan armadong rebelde, na hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army o NPA, sa Lapinig Municipal Police Station kaninang madaling araw

READPresinto sa Lapinig N. Samar, niratrat ng NPA; 2 pulis, sugatan

Kabilang sa mga pinasisibak ang commander ng 2nd Northern Samar Provincial Mobile Force Company Chief Inspector Juan Byron Leogo at Northern Samar PNP Provincial Director Senior Supt. Romeo Campomanes.

Maging ang chief of police ng Lapinig Municipal Police Station na si Police Inspector Noli Montebon at mga personnel ay sibak.

Inaprubahan din ni Albayalde ang rekomendasyon ng PNP Oversight Committee, na alisin sa  pwesto si PRO8 Regional Director Police Chief Supt. Mariel Magaway, habang iniimbestigahan pa ng PNP ang insidente.

Dalawang pulis ang nasugatan sa paglusob ng mga rebelde sa Lapinig Municipal Police Station habang ilang mga armas at mga kagamitan naman ang natangay. (Remate News Team)