Ilang ospital sa NCR binabantayan sa tumataas na kaso ng COVID

Ilang ospital sa NCR binabantayan sa tumataas na kaso ng COVID

September 29, 2022 @ 7:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ilang ospital sa Metro Manila ang binabantayan ngayon ng Department of Health o DOH dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na mas mababa sa 50% ang hospitalisation sa ibang lugar sa bansa ngunit may mga lugar pa rin na binabantayan dahil nakikitang may pagtaas ang mga ito sa admission ng mga pasyente.

Nakipag-ugnayan na rin aniya ang DOH sa mga local government units sa National Capital Region para palipatin ang mga pasyente na may mild symptoms at asymptomatic palabas ng ospital.

Sinabi ni Vergeire na ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay tumataas.

“We have this growth rate na tumaas nung September 22 to September 28, we already have an average of 2,334 cases here in the country. Ito po ay 2 percent higher from last week. At pag kinumpara natin from last 2 weeks ago naman, it is 7 percent higher,” sabi ni Vergeire.

Muli namang sinabi niya na maraming kadahilanan o factors sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Isa na rito ang optional na paggamit ng face mask, ang muling pagbubukas ng klase o face-to-face classes, nadagdagang mobility at pagbubukas ng ekonomiya gayundin ang katangian ng COVID-19 variants sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden