Ilang pasilidad ng BuCor ililipat sa N. Ecija-DOJ

Ilang pasilidad ng BuCor ililipat sa N. Ecija-DOJ

August 5, 2022 @ 7:21 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Target ng Department of Justice (DOJ) na ilipat ang ilang pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor) mula Muntinlupa City patungo sa Fort Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija.

“There are plans to move BuCor facilities to Nueva Ecija at Fort Magsaysay. Nais nating matugunan ang problema sa pagsisikip sa NBP (New Bilibid Prison) sa Muntinlupa upang mabigyan ng makataong kondisyon ng pamumuhay ang mga bilanggo,” pahayag ng tagapagsalita ng DOJ at incoming Assistant Secretary Mico Clavano sa isang mensahe sa mga mamamahayag.

Makikipag-ugnayan naman ang DOJ sa Department of Health (DOH) at Department of National Defense (DND) sa planong ito.

Ang Fort Magsaysay, isang military reservation, ay nasa ilalim ng DND habang ang rehabilitation facility sa loob nito, ang Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (MDATRC), ay pinangangasiwaan ng DOH.

“Kasama sa mga plano ang muling paggamit ng NBP. Gusto naming i-maximize ang espasyo at siguraduhing hindi masikip. Maganda sa Fort Magsaysay dahil may existing na drug rehabilitation facility doon. Either medium or minimum security prison at ilalagay doon” giit pa ni Clavano .

Noong Huwebes, nagsagawa ng ocular inspection sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at BuCor Director General Gerald Bantag sa MDATRC para sa posibleng pagpapalawak ng mga pasilidad ng BuCor.

Sinamahan sila ni Maj. Gen. Andrew Costelo, commander ng 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Sa pahayag sinabi ni Bantag na ang BuCor ay determinadong mapabuti ang pasilidad nito “and to push decongestion strategies in order to help the Persons Deprived of Liberty specifically in their reformation as preparation for their eventual reintegration into the mainstream of society in the best way possible”. RNT