Ilang PUVs ‘di makapagpapatupad ng fare hike – transport groups

Ilang PUVs ‘di makapagpapatupad ng fare hike – transport groups

October 3, 2022 @ 9:20 AM 6 months ago


MANILA, Philippines- Ilang public utility vehicles (PUVs) ang hindi makakapaningil ng karagdagang P1-2 pamasahe na ikinasa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Lunes, ayon sa transport leaders nitong Linggo.

Marami pa ang hindi nakatatanggap ng fare matrix na rekisitos ng LTFRB sa PUVs na ilagay sa loob ng kanilang sasakyan upang makapaningil ng karagdagang pamasahe, ayon kay Lando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP).

“Ang ating LTFRB-NCR kagaya kahapon, nag-overtime sila hanggang alas-8 ng gabi, so kami po ay natutuwa naman dahil napakaganda ng patakaran nila dahil kami ay kinakausap na,” ani Marquez.

Dagdag niya, inaasahan nilang 70 hanggang 80 porsyento ng kanilang mga miyembro ang makatatanggap ng fare matrix sa pagtatapos ng linggo.

Saklaw ng fare hike ang traditional at modern jeeps, buses, taxis, at transport network vehicle services (TNVS).

Batay sa datos mula sa LTFRB Central Office nitong Biyernes ng umaga, 463 fare matrices o 1.18 porsyento pa lamang ng 39,211 target vehicles ang naipalabas.

Tanging 2,711 o 6.9 porsyento lamang ang inisyal na nag-apply. Idinagdag ng LTFRB na bago matapos ang araw, dumagsa ang mga nag-apply.

Samantala, umapela naman ang transport leader na si Zaldy Ping-ay, presidente ng Stop & Go Coalition, sa LTFRB na gawing simple ang requirements sa pag-apply para sa fare matrix upang pabilisin ito.

Inihayag ni Ping-ay na ilang miyembro na nag-apply para sa fare matrix tang natagalan sa franchise verification portion.

“Ayon sa naglalakad, ‘yong franchise verification ang nagpapatagal kasi mahaba ang pila,” paglalahad niya.

“Kapag nag-submit ka na sana ng mga dokumento wala na sana ang franchise verification kasi nasa kanila naman ang record.”

Matapos ianunsyo ang taas-pasahe nitong kalagitnaan ng Setyembre, hinikayat ng LTFRB ang PUV operators na mag-apply para sa fare matrices nang mas maaga para maiwasan ang near-deadline rush. RNT/SA