Ilang residente sa Intramuros nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan

Ilang residente sa Intramuros nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan

October 27, 2022 @ 7:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakatanggap ng mahigit P1 milyon na tulong-pangkabuhayan mula sa gobyerno ngayong Huwebes ang inisyal na 120 pedicab drivers at ambulant vendors sa Intramuros, Manila.

Mismong sina DOLE Secretary Bienvenido Laguesma at nang Department of Tourism (DOT) ang nag-abot ng tulong sa isang seremonya sa Plaza Roma.

Ibinigay ang assistance sa anyo ng livelihood enhancement at food carts na kilala bilang Negosyo sa Kariton (NegoKart) na isang proyekto na tumutulong sa ambulant vendors na lumago ang kanilang kasalukuyang negosyo na lumago sa isang kumikita at napapanatiling negosyo.

Ayon kay Laguesma, ang initial batch na 42 pedicab drivers at tatlong ambulant vendors ay tumanggap ng P30,000 kada isa.

Ginawa ang suportang pangkabuhayan sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na may kabuuang badget na P1.08 milyon. Bahagi rin ng pakikipagtulungan ng ahensya kasama ang DOT para sa “Trabaho, Turismo, Asenso” Job Fair program ng pamahalaan.

Ang mga benepisyaryo ay sasanayin din sa end-to-end cycle ng kalidad ng serbisyo upang maiwasan o maitama ang mga mali sa serbisyo, ayon pa kay Laguesma.

Dagdag pa ng kalihim, bibigyan sila ng standardized uniforms, brochures,at iba pang tourism-paraphernalia bilang bahagi ng package assistance. Jocelyn Tabangcura-Domenden