Ilang trabaho abroad na walang placement fee, alok ng POEA

Ilang trabaho abroad na walang placement fee, alok ng POEA

July 20, 2022 @ 9:01 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa job seekers na hindi kailangan na magbayad ng placement fee para sa ilang trabaho na iniaalok abroad.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia , ang zero placement fee ay naaangkop para sa mga trabahong magagamit sa ilalim ng isang government-to-government agreement sa ilang dayuhang bansa.

Sinabi ni Olalia na tinitignan ng gobyerno ang oportunidad sa trabaho na maaring available sa “emerging markets” tulad ng United Kingdom, New Zealand, Germany, Canada, Australia, Taiwan, Romania, Croatia, at Hungary

Dagdag pa ni Olalia, ang Israel ay nagsimula nang mag-hire ng ating hotel workers at sa Australia isa pang kasunduan sa paggawa na nauukol sa mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan.

“Magpapadala rin ang bansang Pilipinas ng mga skilled and professionals natin papuntang Canada,” ayon pa kay Olalia.

Sa tanggapan ng POEA, nakitang naghahanda ang ilang Pinoy na patungo sa ibang bansa para sa kanilang mga kinakailangan.

Sinabi ng POEA na ang mga job opportunities sa ibang bansa ay nagbubukas habang mas maraming bansa ang nagluwag sa kanilang mga paghihigpit sa COVID-19.

Karamihan sa kailangang trabaho sa ibang bansa ay healthcare workers, factory workers, hotel staff, transportation at aviation staff.

Samantala, pinayuhan ng POEA ang publiko na laging itsek ang kanilang website para sa job opening overseas.

Hinikayat din ang mga Filipino na kumuha ng training at i-upgrade ang kanilang skills.

“Katuwang po ng departamento namin ang TESDA para sa patuloy na empowerment through the skills of our OFWs,” sabi ni Olialia. Jocelyn Tabangcura-Domenden