Ilang transport groups, naghayag ng suporta sa PUV Modernization Program

Ilang transport groups, naghayag ng suporta sa PUV Modernization Program

March 2, 2023 @ 3:52 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagpahayag ng suporta ang National Capital Region (NCR) Transport Consolidated Entities Cooperative Corporation hinggil sa pagpapatuloy ng modernization program ng pamahalaan.

Nagpasalamat din ang nasabing grupo sa pamunuan ng Land Transportation and Franchising Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) sa kanilang nilabas na Memorandum Circular 2023-013 dahil ito ay nangangahulugan na seryoso ang gobyerno sa pagmomodernisa sa mga pampublikong sasakyan.

Kaugnay nito, nagpahayag din sila na hindi makikilahok sa panawagang tigil-pasada ng iilang grupo na magsisimula sa susunod na Linggo, Marso 6 hanggang Marso 12, 2023.

(Larawan kuha ni Crismon Heramis)

Ayon sa nasabing grupo, ang panawagang tigil-pasada na kumokontra sa nilabas na Memorandum Circular ay hindi solusyon upang tugunan ang mga isyung kaakibat ng nasabing programa.

Iginiit naman ni Ferdinand Lupangos na board member ng National Federation of Transport Cooperative, handang mag-overtime sa biyahe 24/7 ang nasa 450 na consolidated entity sa Metro Manila para maserbisyuhan ang mga pasahero kasabay ng ikinakasang isang linggong tigil-pasada ng ilang transport group.

Aniya, asahan na ng LTFRB at DOTr na ang lahat ng 1,200 na Modernize PUJ at Modernize UVE kasama ang higit kumulang 12,000 na tradisyunal na PUJ at UVE sa kamaynilaan ay hindi makikibahagi sa iligal na tigil pasada para na din umano sa kapakanan ng mga mananakay upang hindi sila mahirapan lalo na ang mga papasok sa trabaho at sa eskwelahan.

(Larawan kuha ni Crismon Heramis)

“Nawa ay marinig ng Gobyerno kaming mga Silent Majority at tuluyang pakinggan ang panawagan ng mga mananakay ng mas maayos, ligtas at mas maaliwalas na mga pambulikong transportasyon,” anang grupo.

“Konsolidasyon ang tamang tugon sa modernisasyon, konsolidasyon ang magsusulong sa modernisasyon,” panawagan pa ng grupo. JAY Reyes