Ilang volunteers, grupo sumuporta na rin sa oil spill recovery sa Mindoro

Ilang volunteers, grupo sumuporta na rin sa oil spill recovery sa Mindoro

March 8, 2023 @ 7:43 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tumulong na rin ang mga volunteers ng Norwegian Training Center sa oil spill response team ng Philippine Coast Guard (PCG) para magsagawa ng shoreline clean-up sa Barangay Calima, Pola, Oriental Mindoro,

Nakibahagi rin dito ang 20 Norwegian Shipowners’ Association (NSA) scholars mula sa Lyceum of the Philippines University-Batangas.

Bago ang naturang inisyatibo, siniguro ng PCG na alam ng bawat estudyante ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pag-re-recover ng “oiled debris” gayong mapanganib ito sa kalusugan.

Sinuri rin ng PCG ang personal protective equipment (PPE) na suot ng bawat volunteer para maprotektahan sila sa panganib na dulot ng oil spill.

Umabot sa limang sako ng “oiled debris” ang nakolekta ng mga estudyante sa isinagawang shoreline clean-up kaugnay ng paglubog ng MT PRINCESS EMPRESS sa katubigan ng Naujan, Oriental Mindoro.

Samantala, sa Sitio Bagong Silang, Barangay Buhay na Tubig in Pola, Oriental Mindoro,ay nakakolekta rin ang PCG ng 92 sako ng oiled debris, sea grasses, at used oil absorbent pads sa isinagawang coastal clean up katuwang naman ang mga volunteer mula sa Pola LGU. Jocelyn Tabangcura-Domenden