Iligal na paniningil sa mga pasahero para sa insurance, iniimbestigahan ng PPA

Iligal na paniningil sa mga pasahero para sa insurance, iniimbestigahan ng PPA

December 1, 2022 @ 6:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Iniimbestigahan ngayon ng Philippine Ports Authority (PPA) ang umano’y iligal na paminingil sa mga pasahero ng dagdag na bayarin para sa insurance sa mga pier.

“Actually, meron na tayong mga kaso na under investigation dahil ito nga ‘yung mga nabalitaan natin. Base na rin sa sumbong ng ating mga kababayan at doon sa mga Facebook page natin,” ayon kay Eunice Samonte, tagapagsalita ng PPA.

Paglilinaw ni Samonte sa mga pasahero, walang dagdag na charges para sa insurance kapag sumasakay sila ng barko dahil sa kasama na ito sa kanilang binayaran.

“So nasa barko na po itong insurance na ito at dapat walang sinisingil dito sa ating mga kababayan,” paalala niya.

Dahil dito, hinimok ni Samonte ang mga pasahero na agad iulat sa port police ang ganitong mga pagkakataon o mga dagdag na paniningil.

Samantala, sinabi ni Samonte na wala pang nararanasang pagsisikip sa mga pier sa bansa bagaman mayroon silang nararanasan na pagkaantala ng dating ng mga kargamento partikular sa mga galing sa international ports.

Sa kasalukuyan, mayroon umano ang mga pier na “yard utilization rate” na 84.98%. Nangangahulugan ito na may mga espasyo pa at walang backlogs o congestion.

Tinitiyak rin umano ni PPA General Manager Jay Santiago na walang magaganap na pagtataas ng taripa ngaong taon at maging sa susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden