ILIGAL NA PERYAHAN NG BAYAN PROTEKTADO NG PNP OFFICIALS? 

ILIGAL NA PERYAHAN NG BAYAN PROTEKTADO NG PNP OFFICIALS? 

December 9, 2021 @ 8:47 PM 10 months ago


NANGAKO ang Department of the Interior and Local Government na ipatitigil ang iligal na operasyon ng sugal na Peryahan ng Bayan sa iba’t ibang rehiyon.

Hiningi ni Undersecretary Ricojudge Janvier “RJ” Echeverri para isumite kay Secretary Eduardo Año ang listahan ng mga loka­lidad sa mga lalawigan na pinamumu­garan ng PNB operators ayon sa reklamo ng ilang Smalltown Lottery operators.

Sabi ni Usec. Echeverri sa aking panayam sa kanya, pagpapaliwanagin nila ang mga opisyal ng Philippine National Police sa regional, provincial at city o muni­cipal levels kung saan namama­yagpag ang PNB gayong alam na nilang ipinagbabawal na ito ng administrasyong Duterte.

Itinuring na “iligal” ang Peryahan ng Bayan nang mag-isyu ng memorandum si Executive Secretary Salvador Medialdea noong nakaraang taon matapos mapag-alaman ng Pangulong Duterte na hindi nagre-remit ng kaukulang porsiyento ng kinikita ang mga PNB operators sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

Itinatayang kumikita ng mahigit 500 milyong piso kada buwan ang kinikita ng PNB operators ngunit hindi sila nagbibigay sa PCSO bilang share kapalit ng permit sa kanilang operasyon.

Sa madaling salita, binubukulan ng sindikato sa PNB ang gob­y­erno samantalang ang mga STL operators ay tumutupad sa obligasyon sa PCSO.

Kaya nagpasya ang Malacañang na ipasara ang PNB dahil balasubas ang mga operators at hindi naman pala ito makakatulong sa government response sa CO­VID-19 pandemic crisis.

Kasagsagan pa naman ng kalamidad na dulot ng pandemya noong nakaraang taon at kinaila­ngan ng pamahalaan ng karagdagang pondo para mabigyan ng ayuda ang mga Pilipinong nawalan ng hanapbuhay.

Ang nakapagtataka, lumitaw na walang aksyon ang PNP sa pagpapatuloy ng PNB operations gayong ipinahinto na ito ni PRRD.

Ayon sa ilang STL operators na dumulog sa aking programa sa Radyo Pilipinas, iniintrega ng mga PNB operators sa ilang mga opisyales sa kani-kanilang mga balwarte.

Hindi kaya dahil sa protek­syon ng “godfathers” na ayaw ipahinto ang Peryahan ng Bayan?

Mukhang ‘yan ang isa sa talbusan ng pondo ng mga regional at provincial commanders.