Ill-gotten wealth cases vs Marcoses, ibinasura ng Sandiganbayan

Ill-gotten wealth cases vs Marcoses, ibinasura ng Sandiganbayan

July 16, 2021 @ 12:22 PM 3 months ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong isinampa, 34 na taon na ang nakararan, ng post-EDSA Revolution Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban kina Ricardo Silverio Sr., Pablo Carlos Jr., dating First Lady Imelda Marcos at dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa desisyon na may petsang June 30, sinabi ng Sandiganbayan Fourth Division na bigo ang PCGG na maglatag ng matitibay na ebidensyang magpapatunay sa mga alegasyon nito laban sa mga defendant.

July 22, 1987 nang isampa ang reklamo kaugnay ng umano’y ill-gotten wealth na nakuha ng Marcoses sa panahon ng kanilang panunungkulan gayundin ng mga negosyante.

“An assiduous review of all the testimonial and documentary evidence offered by the plaintiff showed that it failed to satisfactorily prove the specific averments in the complaint,” saad ng korte.

Nag-ugat ang kaso matapos na akusahan ng PCGG sina Silverio at Carlos ng pagbabayad ng malaking halaga sa Marcoses para makuha ang kontrata sa pagsusuplay ng Kawasaki scrap loaders at Toyota rear dump trucks.

Dagdag ng PCGG, sa loob ng tatlong magkakasunod na taon, nakatanggap ang mga negosyante ng special accomodations, pribilehiyo at exemptions mula sa Central Bank sa pamamagitan ng pinataas na dollar import quota allocation para sa importasyon ng Toyota vehicles para sa Delta Motors Inc., at air-conditioning at refrigerating equipment na higit pa sa itinakdang limitasyon.

Si Silverio, na namatay noong 2016 sa edad na 87, ay ang founder ng Delta Motors Corp. at nakakuha ng exclusive right na mag-assemble at mag-distribute ng Toyota cars at trucks sa Pilipinas.

Ayon pa sa PCGG, nakakuha ang dalawa ng multi-million peso emergency loans bilang karagdagang capital infusion sa Filipinas Bank, isang commercial banking institution na pagmamay-ari at kontrolado ni Silverio.

Itinanggi naman nina Silverio at Carlos ang mga alegasyon.

Si Carlos naman, na namatay noong 1998, ay naghain ng counterclaim para sa danyos na nagkakahalaga ng P50 million, pero ibinasura ito ng Sandiganbayan.

Kabilang sa mga ebidensyang iprinisenta ng PCGG ay ang letter of gratitude na ipinadala ni Silverio kay dating President Marcos pero tinawag itong “damning evidence” ng anti-graft court.

“A close examination of the said letter would only show that defendant Silverio was reporting about the status of a project and expressing his gratitude to defendant Ferdinand Marcos. There was no concrete proof in the said letter that would show that defendant Ferdinand Marcos gave extraordinary grants or privileges to the unnamed company,” saad ng korte. RNT


  •  
  •  
  •