ILLEGAL BOOKIES NG ONLINE SABONG NAMAMAYAGPAG

ILLEGAL BOOKIES NG ONLINE SABONG NAMAMAYAGPAG

January 13, 2022 @ 10:06 AM 7 months ago


TAPOS na ang mga panahon kung saan isang katerba at namumutiktik sa dami ang illegal bookies ng karera na ang resulta at halaga ng tatamaan ay kinukuha sa legal na karera ng kabayo.

Maraming yumamang mga operator ng illegal na bookies ng karera at maging ng kanilang mga kabo dahil talaga namang napakarami ang nahuhumaling noon maging ng mga kabataang estudyante sa karera ng kabayo.

Kabilang nga sa naging bantog na mga pangalan noon na sinasabing operator ng malalaking bookies ng karera sina Joe Maranan at Oscar Simbulan alyas Boy Abang habang may ilang aktibo at retirado ring pulis na naka-umbrella sa kanila bilang mga kabo.

Pero ngayon, ala-ala na lamang ang kanilang mga pangalan sa larangan ng iligal na sugal dahil may mga bagong pangalan na nagsusulputan na ang raket ay illegal na bookies din pero hindi na karera ng kabayo kundi bookies ng e-sabong.

Sa rami kasi ng nahuhumaling sa e-sabong, nagkaroon ng ideya itong mga taong nais yumaman sa iligal na pamamaraan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga iligal na bookies ng e-sabong para sa kanila na papasok ang malaking parte ng kubransa sa halip na sa ligal, lisensiyado at nakarehistro sa Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Sa totoo lang kasi, maraming mananaya na ang gusto ay kase-kase o cash kaagad sa halip na kailangan pang mag-open ng account at magpa-register sa online sabong para makapagsugal. Sa iligal na bookies nga naman, pagkabigay nila ng taya sa kubrador, panonoorin lang ang sultada at kapag nanalo, makukubra kaagad nila ang panalo sa kubrador.

Ang resulta, mas malaki pa ang kubransang pumapasok sa iligal na bookies sa halip na sa ligal na online sabong na pinatatakbo ng Lucky 8 Star Quest Inc.

Kabilang nga raw sa operator ngayon ng iligal na bookies ng sabong sa area ng Tondo ang isang alyas Joseph at ka-partner na alyas Tatay Tolong kung saan gusto ring makopo ang buong Maynila para lagyan ng kanilang iligal na bookies. Ang nakatutuwa pa, nagagamit ni Joseph bilang front ang ligal na online sabong ng Lucky 8 Star Quest Inc. na dinadagsa ng mananaya para panoorin ang bawat sultada.

Kaya raw pala malakas ang loob na magpakalat ng iligal na bookies itong dalawang mag-partner ay dahil sa proteksyong ibinibigay ng nagpapakilala namang pulis na alyas Totoy Lupa, Martin at Gaby. Naku, eh kapag nalaman yan ni Manila Police District (MPD Director P/BGen. Leo Francisco, tiyak na may paglalagyan ang mga iyan.

Katunayan, naghihintay na lang pala ng konkretong impormasyon at reklamo si P/Maj. Rommel Anicete, ang hepe ng Investigation and Detection Unit ng MPD para ikahon na nang tuluyan ang mga nagnanais maghari-harian sa larangan ng iligal na bookies ng online sabong sa Maynila para magsilbing halimbawa sa mga naghahangad pang yumaman sa iligal na pamamaraan.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.