Illegal bypass activities ng DITO, talupan; P7.5M buwanan lugi ng Pinas-solon

Illegal bypass activities ng DITO, talupan; P7.5M buwanan lugi ng Pinas-solon

August 12, 2022 @ 8:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang imbestigahan ng House Committee on Ways and Means ang napaulat na tax liabilities ng DITO Telecommunity Corp. Bunga ng mga kwestyunableng mga international calls na sumasalungat sa interconnection agreements sa ibang telecommunication companies.

Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng komite na ang gobyerno ay posibleng malugi ng P7.5 milyon buwan-buwan dahil sa mga ganitong illegal bypass activities ng DITO dahil nakalalagpas ito sa buwis na dapat sana ay kitain ng gobyerno mula sa international voice traffic.

Binanggit ng kongresista ang Section 120 ng National Internal Revenue Code, na merong dapat na ipataw na 10 porcientong buwis sa bawat “overseas dispatch, message or conversation transmitted from the Philippines by telephone, telegraph, telewriter exchange, wireless and other communication equipment service.By masking the calls as local, they (are) effectively doing services smuggling.”

Hirit pa ni Salceda na hindi siya tutol sa mababang singil sa mga international calls dahil ang mga OFWs (overseas Filipino workers) ay komokontak ito sa kanilang mga kamag-anak dito sa Pilipinas ngunit hindi niya dapat kunsentihin ang mga ganitong kwestyunableng apgnenegosyo lalo pa at nakaliligtaan itong patawan ng buwis na siyang buhay ng gobyerno.

Kasama aniya sa uusisain ng komite ay kung may basehan na ang mga naunang ulat na ang DITO ay may nilalabag na probisyon sa pagbubuwis at kung ano ang pwedeng gawin ng mga otoridad.

“I also want to hear DITO’s side. As our record has shown, the Committee on Ways and Means does not investigate to embarrass, to harass, or to intimidate, but to make good policy,” dagdag pa ni Salceda.

Kasama sa ipatatawag sa gagawing pagdinig ay ang Bureau of Internal Revenue, National Telecommunications Commission, representatives from DITO at ang mga telecommunications companies na may interconnection agreements at iba pang stakeholders.

Nitong Lunes ay nagreklamo ang DITO sa Philippine Competition Commission (PCC) kung saan inaakusahan ang Globe at Smart Communications ng pag-abuso sa merkado dahil ang mga DITO subscribers ay halos hindi na makakonek sa Globe at Smart. Meliza Maluntag