Illegal detention case vs Cedric Lee pinagtibay ng CA

Illegal detention case vs Cedric Lee pinagtibay ng CA

November 7, 2022 @ 7:14 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang hirit ng negosyanteng si Cedric Lee na ibasura ang kasong serious illegal detention for ransom na inihain laban sa kanya at anim na iba pa ng aktor na si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Sa desisyon ni iniakda ni Associate Justice Angelene Mary W. Quimpo-Sale, pinagtibay ng CA ang inilabas na desisyon ng Taguig City regional trial court (RTC) noong 2019 na nagbasura sa motion to dismiss ni Lee.

Ayon sa CA, hindi napatunayan ni Lee na nakagawa ng grave abuse of discretion o umakto ng lagpas sa hurisdiksyon ang mababang korte.

Sinabi ng CA na ang mga argumento ni Lee ay natalakay na sa kanyang demurrer to evidence kung kaya tama lamang na ituring ng Taguig RTC ang motion to dismiss ni Lee bilang ikalawang demurrer to evidence.

Maliban kay Lee, ipinagharap din ni Navarro ng kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code sina Deniece Cornejo, Bernice Cua Lee, Simeon Palma Raz Jr., Jose Paolo Gregorio A. Calma, Sajed Fernandez Abuhijleh, at Ferdinand Guerrero.

Sina Cedric Lee at anim na iba pa ay inakusahan ng aktor na, gamit ang dalang baril, ay idenetene siya sa condominium unit ni Cornejo sa Bonifacio Global City, Taguig City.

Nakasaad din sa reklamo na binugbog siya ng grupo ni Lee at pinagbantaan na papatayin at makakalaya lamang kung makapagbibigay umano ng P2 milyon.

Batay naman sa depensa ni Lee, ginawa lamang umano niya ang “citizen’s arrest” kay Navarro matapos umanong mahuli ang aktor na pinagtatangkaan gahasain si Cornejo noong Enero 2014. Teresa Tavares