ILLEGAL FISHING SA NORTH PALAWAN ‘DI MATIGIL

ILLEGAL FISHING SA NORTH PALAWAN ‘DI MATIGIL

May 31, 2021 @ 12:01 AM 2 years ago


MISTULANG adobeng hindi matibag ang panggagahasa sa karagatan ng ilang bayan sa North Palawan sa kabila ng babalang ipinalabas ni DILG Secretary Eduardo Año kamakailan.

Kabilang sa top 20 na mga lugar sa bansa na itinuturing na talamak ang illegal fishing na tinumbok ng DILG ang karagatan ng Coron, Cuyo at Magsaysay sa Palawan.

Ang paggamit ng superlights ng Purse Seines (pangulong) na ipinagbabawal batay sa RA 8550 na inamyendahan ng RA 10654 ang klase ng iligal na pangingisda ang namamayagpag dito.

Lumalabas sa ating pagsasaliksik na maging sa mga bayan ng Busuanga, Linapacan, El Nido at Araceli ay walang puknat ang pag-aararo sa mga karagatan ng mga dambuhalang barkong mula pa sa Iloilo at Quezon na nagbabayad umano ng tongpats sa ilang ganid sa kwartang opisyal ng LGUs dito.

Maging ang mga zipper (hulbot-hulbot) na matagal nang ipinagbawal ng BFAR dahil sa kinakayod nito ang corrals sa pusod ng karagatan kasabay rin ng mga malalaking trawl ay naglipana umano sa North Palawan.

Batay sa sumbong na ipinarating sa atin, madalas na dinarayo ito ng mga iligalista sa dagat dahil sa hindi maubos ang mga isda rito subalit kakarampot naman ang huli ng mga pobreng mangingisda.

Minsan ko nang naisulat sa pitak na ito ang reklamo ng mga maliliit na mangingisdang matapos na sumabog sa bansa ay nagsagawa ng malawakang operasyon ang PNP Maritime at Philippine Coast Guard kung saan sandamakmak na mga barko ang nalambat ngunit makaraan ang ilang araw na paglilinis sa karagatan ay balik-operasyon na naman.

Hindi kaya Oplan Pakilala lang ang nangyaring panghuhuli ng mga otoridad para maulingan din sila ng patong mula sa operators?

Naku po, humanda kayo at oras na makarating ito kay Maritime Director BGen. John Mitchell Jamili nasisiguro kong sa kangkungan kayo pupulutin dahil mahigpit ang kanyang pagpapatupad ngayon ng “No Take Policy” alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

Para sa inyong komento o suhestiyon mag-text sa 09999388537/email [email protected]