Illegal online gambling ‘di dapat tawaging POGO – PAGCOR

Illegal online gambling ‘di dapat tawaging POGO – PAGCOR

September 29, 2022 @ 12:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nilinaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na ligal na online gambling operations lang ang dapat tawagin na POGO o Philippine Offshore Gaming Operations.

Giit ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, hindi dapat tawaging POGO ang mga illegal online gambling sa bansa dahil hindi naman ito aprubado ng PAGCOR.

Ang pahayag ni Tengco ay kasabay ng sunod-sunod na pagkakahuli ng ilang mga Chinese nationals na may kaugnayan sa illegal online gambling.

Binigyan-diin pa ni Tengco na ang mga gawain ng naturang mga indibidwal ay walang kaugnayan sa POGO.

Paglilinaw ng opisyal, ang POGO ay mahigpit na minomonitor ng PAGCOR at ang mga gaming entity na hindi pumasa sa mga documentary at financial requirement ay hindi matatawag na ligal na gaming operators.

Ang PAGCOR ay mayroon nang 34 approved POGO operators, 127 accredited service providers at limang special class ng BPOs na sumailalim sa probity check. Jocelyn Tabangcura-Domenden