Illegal recruiter sa Baclaran inaresto ng PCG

Illegal recruiter sa Baclaran inaresto ng PCG

March 12, 2023 @ 4:46 PM 2 weeks ago


Inaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang illegal recruiter sa Baclaran, Parañaque City.

Ayon sa PCG, nakatanggap ng reklamo ang Coast Guard Intelligence Force (CGIF) noong Disyembre 2022 mula sa aplikante ng PCG tungkol kay Omar Sampang na umano’y nag-alok sa kanya ng ‘sure enlistment’ sa coast guard service basta’t magbabayad ito ng P350,000.

Ngunit bumama ito sa P50,000 nang sabihin ng complainant na napakalaki ang kanyang hinihingi.

Nang matanggap ng CGIF ang reklamo, agad na nag-imbestiga at nakipag-ugnayan sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang PCG at pinlano ang entrapment operation.

Nitong Marso 10, ikinasa ang operasyon at naaresto si Sampang habang tinatanggap ang marked money mula sa CGIF agent na nagpanggap na PCG applicant.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP-CIDG si Sampang para sa booking process at paghahain ng karampatang kaso na Estafa at Usurpation of Authority.

Hinimok ng PCG ang mga aplikante na maging mapagmatyag at ireport ang illegal recruiters para sa agarang aksyon.

Para makatanggap ng nationwide recruitment updates, sundan ang opisyal na Facebook page ng PCG kung saan inilathala ang mga pinakabagong anunsyo mula sa Coast Guard Human Resource Management Command (CGHRMC). Jocelyn Tabangcura-Domenden