Illegal recruiter tiklo, nag-aalok ng trabaho sa barko kapalit P150K

Illegal recruiter tiklo, nag-aalok ng trabaho sa barko kapalit P150K

January 25, 2023 @ 7:04 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi na nagawang makapalag pa ng isang illegal recruiter matapos itong arestuhin ng mga pulis sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Lumban, Laguna.

Ang suspek na pansamantalang nakapiit sa Lumban Police Station na nakilalang si alyas “Idan”, nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na lugar.

Kasalukuya nang inihahanda ang mga dokumento para sa kaukulang kaso laban sa suspek at nahaharap ito sa RA 10022 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995).

Base sa isinumiteng report ni PMajor Ruffy Taduyo, hepe ng Lumban Police Station Kay PCol. Randy Glenn G Silvio, Acting Provincial Director ng Laguna PNP, dakong alas-3:30 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa isang kainan matapos isagawa ang entrapment operation kung saan tumanggap umano ang suspek ng halagang P7,500 na boodle money mula sa biktima.

Napag-alaman na humihingi umano ang suspek sa mga biktima ng halagang P150,000 bawat isa kapalit na gagawin umano ang mga ito na “seafarer ” o trabaho sa barko.

Kaagad na nakipag-ugnayan at nakipag-koordinasyon sa tanggapan ng Department of Migrant Workers ang pulisya para alamin kung lisensyado o legal ang ginagawang pag-recruit ng suspek sa mga biktima.

Nabatid sa ulat na illegal recruiter umano ang suspek kaya kaagad na nagsagawa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

“Paalala po sa ating mga kababayan sa mga ganitong sitwasyon na huwag basta magtitiwala lalo na kung hinihingan kayo agad ng malaking halaga, maigi na magsaliksik sila at magtanong sa mga awtoridad. Tinitiyak ng Laguna PNP na mananagot sa batas ang suspek na ito,” ayon kay PCol. Silvio. Ellen Apostol