Illegal recruitment sa OFWs para gawing scammer ibinabala ng DMW

Illegal recruitment sa OFWs para gawing scammer ibinabala ng DMW

December 4, 2022 @ 3:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado, Disyembre 3 ang mga Filipino na maging mapagmatyag laban sa illegal recruitment para gawing scammer sa ibang bansa.

Ang paalala ni DMW undersecretary for Welfare and Foreign Employment Hans Leo Cacdac ay matapos magkaroon ng napaulat na pagdami ng mga Pilipinong biktima ng cybercrime at human trafficking syndicates sa mga bansa tulad ng Cambodia, Laos, at Myanmar.

Sinabi ni Cacdac na ang mga biktima ay nahulog sa mga social media advertisement na nag-aalok ng mga trabaho tulad ng customer representative, technical support, data encoder, at call center agent, at iba pa ngunit pagdating sa nasabing mga bansa ay mga illegal call center activities at catfishing scam.

Ayon kay Cacdac, ang listahan ng legitimate recruitment agencies ay makikita sa DMW at POEA websites.

Maari din aniyang ireport ng publiko ang kanilang sumbong sa hotline ng ahensya sa 1348 o sa email na [email protected], and Facebook page.

Nauna nang nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Justice (DOJ) and the Inter-Agency Council Against Trafficking na imbestigahan ang sindikato na nagre-recruit ng mga Pilipino para nagtrabaho bilang scammers sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden