Ilocos 6 at Gov Imee – pinakakasuhan na ng Kamara

Ilocos 6 at Gov Imee – pinakakasuhan na ng Kamara

July 6, 2018 @ 10:30 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Inirekomenda na ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa mga opisyal ng Ilocos Norte Government kaugnay ng maling
paggamit ng pondo pambili ng sasakyan mula sa excise tax.
Matapos ang maraming buwan na pagdinig sa Kamara ay inirekomenda
ng komite ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal sa
tinaguriang Ilocos 6 matapos mabunyag ang maanomalyang pagbili sa may
110 units ng Foton minicabs.
Hindi na pinangalanan ng komite ang mga sasampahan ng kaso ngunit
napatunayan sa mga nagdaang pagdinig na si  ILocos Norte Governor
Imee Marcos ang humiling para bumili ng nabanggit na mga behikulo
na nagkakahalaga ng P64.450 milyon ng walang kaukulang bidding
kundi sa pamamagitan ng cash advance.
“With all premises considered, the committee has determined that the
purchase of the subject vehicles by the PGIN was highly irregular and
illegal,” banggit pa sa committee report.
Naninindigan ang komite na pinamumunuan ni Surigao Rep. Johnnyh Pimentel
na ang nabanggit na transaksyon ay paglabag sa Republic Act 7171 dahil
ang naturang special support fund ay pinambili ng sasakyan na hindi naman
dapat.
Ang pondo mula sa excise tax ay kinakailangang gugulin sa mga programa at
proyektong pakikinabangan ng mga tobacco farmers gaya ng cooperative projects, livelihood projects, agro-industrial projects at infrastructure projects.
Bukod dito ay napag-alaman din na overprice ang pagbili ng Foton vehicles
na nagkakahalaga ng P21,450,000 kung saan inamin ni Dr. Fabian Go ng
Granstar Motors and Industrial Corporation na naibenta niya ang nabanggit na sasakyan kay Mark Chua ang long-time partner ni Governor Marcos sa
halagang P270,000 bawat isa.
Ngunit ipinasa o ibinenta umano ito ni Chua sa lalawigan ng P485,000 bawat
isa na nangangahulugang overprice ang bawat isa ng P195,000.
Dahil dito, ang mga opisyal na sangkot sa transaksyong ito ay maaari
ding maharap sa technical malversation gaya ng nakasaad sa RA 3815
o Revised Penal Code of the Philippines at paglabag sa RA NO. 3019
o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Maging ang mga Private individuals na sina Chua, Irene Mendoza at
Gilbert Suribas ay maaari ding kasuhan dahil sa umano’y pakikipagsabwatan.
Nagsumite na ang komite ng kopya ng report sa Ombudsman, COA, Depart of
Justice (DOJ), Office of the Solicitor General (OSG), Bureau of
Immigration (BoI), at National Tobacco Administration (NTA), DBM, LTO
para sa kaukulang aksyon.  (meliza maluntag)