Ilocos Norte doble-doble sa state of calamity

Ilocos Norte doble-doble sa state of calamity

October 28, 2022 @ 12:08 PM 1 month ago


LAOAG CITY –MATAPOS ang delubyong hagupit ng bagyong Neneng, muling dineklara ang state of calamity sa probinsya ng Ilocos Norte dahil sa magnitude 6.4 na lindol nitong Martes.

Sa anunsyo ni Vice Governor Cecilia Araneta-Marcos, inaprubahan ng buong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang ‘state of calamity’ sa buong lalawigan.

Base sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) nakapagtala sila ng 1,456 katao mula sa 81 barangays ang naapektuhan ng lindol kabilang 63 sugatan, 8 bahay ang gumuho, habang 387 na kabahayan ang nasira.

Sa inisyal na report ng PDRRMC, lumabas na tinatayang aabot sa P125M halaga ang mga nasirang imprastraktura gaya ng mga daan, tulay, paaralan at iba pang mga kagamitan.

“The cost of damage can increase more as damage assessment is still ongoing,” ayon kay PDRRMC head Marcell Tabije.

Samantala, sinabi naman ni Provincial Social Welfare and Development Officer Lilian Rin, na nakapagtala sila ng hindi bababa sa 26 na indibidwal mula sa Dingras at Badoc na may mga nasirang bahay ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa DSWD noong Miyerkules.

Susunod na ibibigay ang tulong sa tirahan kapag natukoy ng mga lokal na awtoridad ang mga karapat-dapat na benepisyaryo.

May kabuuang 2,642 food packs ang nakahanda sa pitong satellite warehouses ng probinsya habang 1,828 food packs ang nakahanda naman sa Laoag City Centennial Arena.

Hindi bababa sa dalawang chopper mula sa Philippine Airforce ang nagpatuloy din sa paghahatid ng relief sa ilang bayan ng Adams at bahagi ng Pagudpud dahil sa sunud-sunod na pagguho ng lupa at isang nasirang tulay at ilang kalsada na hindi madaanan.

Nasira din ng lindol ang isolation intensive care unit ng Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center, at ang X-ray machine ng San Nicolas Municipal Health Office.

Samantala, inaayos na rin ng tanggapan ni Regional Director Paula Paz Sydiongco ang halaga ng pinsala sa mga health facility sa lalawigan. Mary Anne Sapico