Iloilo City, ASF ‘red zone’

Iloilo City, ASF ‘red zone’

December 10, 2022 @ 9:45 AM 2 months ago


ILOILO CITY – Nakaaalarma ngayon ang pagtaas na bilang ng kaso ng African swine fever (ASF) sa lungsod na ito matapos muling magpositibo sa nasabing virus ang isa sa pinakamalaking barangay, iniulat kahapon.

Ayon kay Dr. Suzette Leal ng Office of the City Veterinarian (OCV), ang pinakahuling kaso ay mula sa Barangay Bito-on sa distrito ng Jaro, kung saan dalawa sa limang specimens ay nagpositibo sa isinagawang test sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory na inilabas noong Disyembre 2.

Matatandaan na noong Nobyembre 4, sa 17 sample ay nagpositibo ang isa sa isinumiteng pagsusuri ng RADDL ang mga baboy na nagmula sa Zone 5, Barangay Tacas, Jaro habang ang lima sa mga natitirang biik at namatay.

Nakasaad sa Administrative Order 52 ng Department of Agriculture (DA) kapag nagpositibo sa virus ng higit sa dalawang barangay ang isang bayan ay tatawagin na itong red zone o infected zone.

Sinabi ni Leal, na naubos na nilang linisin ang mga baboy na pinagmulan ng virus sa isinagawa nilang inspeksyon at wala na ring mga baboy na makikita sa loob ng limang kilometrong radius ng apektadong lugar.

Dagdag pa ni Leal, base sa administrative circular ng Department of Agriculture, ang mga baboy na nagmumula sa ibang mga zone ay maaari pa ring makapasok sa lungsod hangga’t mayroon silang kaukulang mga dokumento at maaari rin itong maghatid sa mga lugar na nasa red zone din.

Patuloy naman ang pagtanggap ng mga baboy sa Iloilo slaughterhouse basta’t mayroon silang mga kaukulang dokumento.

Paalala ng OCV sa publiko na tiyaking may meat inspection certificate ang bibilhin nilang baboy.

Ganun din ang mga backyard raisers ay pinapayuhan na ipagpatuloy ang pag-obserba ng biosecurity measures sa kanilang mga baboy at iwasang pakainin ng swill o yung mga tira-tirang pagkain ang kanilang mga baboy. Mary Anne Sapico