Iloilo Gov, may tiwala sa mga residente sa optional na pagsusuot ng face mask

Iloilo Gov, may tiwala sa mga residente sa optional na pagsusuot ng face mask

September 10, 2022 @ 3:13 PM 3 weeks ago


ILOILO CITY – Tiwala umano si Iloilo Governor Arthur Defensor sa nasasakupan na maiingatan ng mga ito ang sarili sa COVID-19 kung kaya’t pinayagan niyang gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa lalawigan.

Dagdag pa rito, mataas rin umano ang kanilang vaccination rate at mababa na rin ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsya.

“Bakit optional siya? Kasi may tiwala na tayo sa ating mga residente. After more than two and a half years facing COVID-19, alam na natin kung ano ang gagawin,” pahayag ni Defensor sa pamamagitan ng isang video statement na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan.

Sa huling tala, 87.67% na ng kabuuang populasyon ng Iloilo ang nabakunahan na kontra COVID-19.

Ang Iloilo ang ikatlong probinsya na sa bansa na nag-utos na gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar. RNT/JGC