Imam patay, 4 sugatan sa pamamaril sa Basilan

Imam patay, 4 sugatan sa pamamaril sa Basilan

April 23, 2022 @ 2:30 PM 2 months ago


ISABELA CITY, Basilan- Nagtalaga na ang kapulisan ng quick reaction force upang mapigilan ang eskalasyon ng karahasan sa munisipalidad ng Sumisip, sa nabanggit na probinsya, kasunod ng pamamaril nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Col. Pedro Martirez Jr., provincial police director, nagpadala na ng karagdagang mga pulis matapos patayin ang isang imam habang apat ang naiwang sugatan sa shooting incident bandang alas-7:45 ng gabi nitong Biyernes sa Barangay Sapa Bulak, Sumisip.

Ang imam ang nangunguna sa mga nananambahang Muslim sa panalangin sa mosque.

“We have deployed the quick reaction platoon (forces) to prevent similar incidents and escalation of violence,” paglalahad ni Martirez nitong Sabado.

Pumanaw ang 20-anyos na imam na si Mutilan Como Ajanab, sa isang ospital sa probinsya.

Kabilang naman sa sugatan na naospital sina Rashid Hajibain Suraman, 48; Abdulmalik Suraman Jumlatal, 34; Harisa Hajibain Hadjail, 15; at Hafidz Suraman Jumlatal, 23.

Inilahad ng mga pulis na nagpapahinga ang mga biktima sa tapat ng kanilang bahay pagkagaling sa mosque para sa kanilangTarawih prayer.

Ang Tarawih ay isang night Ramadan prayer na isinasagawa pagkatapos ng Iftar, ang evening meal kung saan tinatapos ng mga Muslim ang kanilang daily Ramadan fast sa paglubog ng araw.

Rido (away-pamilya) ang itinuturong mitsa ng insidente subalit kinukumpirma pa ito.

“I have ordered the chief of police there to conduct an in-depth probe to determine the real cause of the incident,” sabi ni Martirez.

Aniya pa, nakikipag-ugnayan na ang mga pulis ng Sumisip sa kanilang military counterparts upang siguruhin ang pagpapanatili ng kaayusan sa munisipalidad. RNT/SA