Imbentaryo sa suplay ng pulang sibuyas minamadali na ng DA

Imbentaryo sa suplay ng pulang sibuyas minamadali na ng DA

November 29, 2022 @ 8:01 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na iniimbestigahan na nila ang supply ng pulang sibuyas sa bansa matapos ma-monitor ang pagtaas ng presyo sa iba’t ibang pamilihan.

Sinabi ni DA Asst. Secretary Kristine Evangelista na batay sa kanilang monitoring, ang mga pulang sibuyas ay naibenta sa humigit-kumulang P280 kada kilo, at ang isang palengke ay nagbebenta pa ng P300 kada kilo.

“Nakita na natin yung pag spike ng presyo ng pulang sibuyas… Ngayon ay nakikipag-ugnayan kami sa Bureau of Plant Industry para makita natin ang supply situation para makita natin ang dahilan ng pag spike ng presyo,” aniya sa isang public briefing.

“Hinihintay po natin ang report mula sa Bureau of Plant Industry base sa mga inventories sa mga cold storage facilities,” dagdag pa ng opisyal.

Sa ngayon, hindi pa napag-iisipan ng gobyerno ang pag-angkat ng mas maraming pulang sibuyas sa bansa, sabi ng opisyal ng DA.

“Sabi po nila (farmers) mayroon silang harvest ng Disyembre… Titingnan natin ang volume na puwedeng i-harvest dahil ito ay makatutulong sa pagdagdag ng supply,” giit niya.

“Sa loob ng isang linggo magkakaroon tayo ng sitwasyon ng imbentaryo… Tiyak na makakatulong ito sa ating sitwasyon ng supply,” sabi niya. RNT