Imbestigasyon ng NBI sa Degamo slay, umarangkada

Imbestigasyon ng NBI sa Degamo slay, umarangkada

March 7, 2023 @ 7:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagsimula nang magsagawa ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation Central Visayas (NBI-7) kaugnay sa shooting incident na ikinamatay ni dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Sinabi ni NBI-7 regional director Renan Oliva na nagpadala na sila ng IT personnel sa Negros Oriental na tutulong na makuha ang footage mula sa closed circuit television (CCTV) cameras matapos matanggap ang direktiba mula sa Department of Justice (DOJ).

Aniya, kukuha rin ng CCTV footage ang NBI-7 sa posibleng naging entry at exit points ng mga salarin bukod sa nakuhang footage sa compound nina Degamo.

Ayon pa kay Oliva, titingnan ng NBI ang lahat ng anggulo ng pamamaril sa dating gobernador.

Isa sa tinitignan ng pamilya na motibo sa pagpatay kay Degamo ay politika.

Kumbinsido rin ang pamilya ni Degamo na isang mayamang indibidwal ang nasa likod ng pamamaslang kung saan nadamay din ang walong iba pa noong Sabado, Marso 4. Jocelyn Tabangcura-Domenden