Imbestigasyon sa criminal complaints vs Joma, iba pang rebelde, gugulong na

Imbestigasyon sa criminal complaints vs Joma, iba pang rebelde, gugulong na

September 7, 2021 @ 11:23 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Magsisimula na sa preliminary investigation ang Deparment of Justice sa mga reklamong inihain laban kay Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison at iba pang kasama nito.

Ito ay matapos na sabihin ng DOJ na ilalabas na nila ang panel of prosecutors na hahawak sa kaso.

Matatandaang kamakailan ay kabi-kabilang rekamo ang inihain laban kay Sison at iba pang kasapi ng CPP-NPA-NDF ng umano’y mga dating miyembro ng grupo.

Halimbawa na lamang ay ang reklamong inihain sa DOJ noong Setyembre 1 at 3 ni Kurt Russel Sosa at Joy James Saguino laban kay Sison at iba pang miyembrong pinangalanan, Lean Porquia, Karen Edaniel at Vince Hugo Villena, dahil sa umano’y human trafficking at exploitation ng mga menor de edad.

Noong Agosto 23 ay dalawang reklamo rin ang idinulog ni Lady Desiree Miranda laban pa rin kay Sison at hinihinalang NPA members na sina Redsa Balatan, Rey Dela Pena at Joel Caliwliw.

Maliban sa human trafficking at child exploitation, inakusahan rin si Dela Pena at Caliwliw ng 2 counts at 4 counts ng rape.

Naghahanda na ang DOJ sa paunang imbestigasyon sa mga nakapilang reklamo laban sa rebeldeng grupo. RNT