Imbestigasyon sa oil spill sa OrMin, itinutulak sa Kamara

Imbestigasyon sa oil spill sa OrMin, itinutulak sa Kamara

March 7, 2023 @ 1:39 PM 2 weeks ago


Manila, Philippines – Isang resolusyon ang ngayon ay inihain sa Kamara upang imbestigahan ang oil spill na nilikha ng paglubog ng MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ang House Resolution No. 829 ay inihain ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., sa pagsasabing dapat maimbestigahan ang oil spill na ngayon nakakaapekto sa 10 munisipalidad ng Oriental Mindoro “start the investigation and testing on the extent of contamination…immediate assistance of the local fisherfolk dependent on the affected body of water.”

Binigyang-diin ni Barzaga, Chairman ng House Committee on Natural Resources na ang pagtagas ng may 800,000 litro ng industrialized fuel ay pwedeng makarating at makalikha rin ng damage sa ibang coastal islands gaya ng Palawan, Antique at Romblon.

“Additionally, the oil spill might affect 20,000 hectares of coral reef, 9,900 hectares of mangroves, and 6,000 hectares of seagrass and could possibly coat the marine habitats and animal, which can clog the gills of fish and marine invertebrates…damage the feathers of bird and fur of marine mammals,” banggit sa resolusyon.

Giit ng kongresista na dapat simulan na ng gobyerno ang imbestigasyon para malaman ang lawak ng kontaminasyon nito sa karagatan maging sa baybay dagat at agad na tulungan ang mga mangingisda na naapektuhan ang kabuhayan.

Sa report ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nakita na umano nila ang posibleng pinaglubugan ng barko na tinatayang nasa 1,200 feet below sea level.

Ito ay matapos ma-deploy ng DENR ang BRP Hydrogapher Ventura ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) sa lugar ng oil spill. Meliza Maluntag