Imbestigasyon sa radio commentator slay inihirit ng solon

Imbestigasyon sa radio commentator slay inihirit ng solon

October 4, 2022 @ 1:37 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Nanawagan ng imbestigasyon ang ilang mambabatas sa pagpatay sa radio commentator na si Percival Mabasa ng DWBL.

Naniniwala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ang pagpaslang kay Mabasa na mas kilala bilang Percy Lapid ay maihahanay na extra-judicial killings.

Kinondena rin ni Castro ang nabanggit na pagpatay na kauna-unahan sa hanay ng mga journalist matapos maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Si Lapid ay pinagbabaril sa harap mismo ng tinutuluyan o tirahan nito sa BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas.

“Nakakabahala na talaga ang pagpapatuloy at paglala ng extra-judicial killings at harassment sa bansa at ang tinatarget ay mga kritiko ng administrasyong Marcos at Duterte, media man, aktibista o oposisyon pati ang mga relihiyoso. Indeed, the culture of impunity is worsening in the country. We condemn this heinous act against Percy Lapid and we are calling for an impartial probe on the matter.”

Dahil dito, hindi rin maiiwasan na isipin na kadalasan ang hustisya sa bansa ay para lang sa mga mayayaman o makapangyarihan at aniya’y kapag nagsiwalat ay nauuwi sa red tagging, sinisiraan para atakehin.

“Sana ay kagyat na imbestigahan din ito ng Commission on Human Rights (CHR) at maging sa Kongreso upang matukoy at mailantad ang sistematikong mga harassment at pagpatay sa mga kritiko ng administrasyon,”giit pa ni Castro.

Sa paunang imbestigasyon si Lapid na idineklarang “dead-on-the-spot” ay napag-alamang pinagbabaril ng armadong lalaki sa harapan mismo ng gate ng kaniyang tirahan bago pa man nakababa ng kaniyang sasakyan. Meliza Maluntag