Imbestigasyon vs sugar mess pormal na isusulong sa Kamara

Imbestigasyon vs sugar mess pormal na isusulong sa Kamara

August 17, 2022 @ 3:30 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Pormal ng inihain sa Kamara ang House Resolution 259 na nag-uudyok ng pormal na imbetigasyon sa iligal na pag-iisyu ng Sugar Order No. 4 ng Sygar Regulatory Administration (SRA) o tangkang importasyon ng asukal.

Binigyang diin sa resolusyon ni Minority Leader at Eastern Samar Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan na August 9 nang mag-isyu ang SRA ng Sugar Order No. 4 na nilagdaan din ng Department of Agriculture Undersecretary for Operations at Chief of Staff Leocadio S. Sebastian na dapat sana ay para kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Whereas, it is notable that the previous leadership of the DA, the mother agency of SRA, failed to capacitate local production vis-a-vis importation of agricultural products and had the proclivity of restoring to importation, not only of sugar, but also of rice, pork, fish and vegetable products instead of finding and implementing ways to attain food self-sufficiency.”

Kabilang sa lumagda sa nabanggit na kautusan ay sina SRA Administrator at SRA Board Vice-Chairman Hermenegildo Serafica, SRA Board Meber Roland Beltran at acting Board Member Aurelio Gerardo Valderrama Jr.

Banggit pa sa resolusyon na mismong si Press Secretary Beatrix Cruz-Angeles ang nagsabing ang Sugar Order No. 4 ng SRA ay “invalid at illegal” dahil hindi ito otorisado ni Pangulong Marcos.

Maging aniya, ang pagsasagawa ng pagpupulong ng SRA Board ukol sa importasyon ay walang kapahintulutan mula sa pangulo lalo na ang pag-iisyu ng anumang kautusan ukol dito.

Giit pa ni Libanan sa kaniyang inihaing resolusyon na isang malalimang imbestigasyon ang dapat na isagawa ng House Committee on Good Government and Public Accountability at ng Committee on Agriculture and Food upang mailantad ang lahat ng mga nasa likod ng sabwatan at upang makasuhan ang mga ito.

Hinikayat din ng kongresista ang gobyerno na magkaroon ng kompehensibong pormularyo at “clear-cut policy” sa importasyon ng mga agricultural products at hindi lamang ng asukal lalo na sa panahon ng anihan.

Sa ganitong paraan ayon kay Libanan ay hindi masasagkaan ang paghihirap ng mga magsasaka at mga producers. Meliza Maluntag