Imbitasyon ng EU ‘di pa tinatanggap ni PBBM

Imbitasyon ng EU ‘di pa tinatanggap ni PBBM

July 6, 2022 @ 6:19 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Wala pang kumpirmasyon kung tatanggapin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang imbitasyon ng European Union para sa isang pulong upang pag-usapan ang ilang pangunahing isyu sa foreign policy.

Sa isang press briefing ngayong Miyerkules, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang bagay ay hindi napag-usapan sa pulong ng Gabinete noong Martes.

“Not yet, it was not in fact napag-usapan noong Cabinet meeting so we’ll wait… If you’ll recall, we just haven’t calendar the invitation of China so we’ll wait for that one. Wala pa talagang acknowledgement, hindi man lang napag-usapan,” ani Cruz-Angeles.

Inimbitahan ng EU si Marcos na bisitahin ang punong tanggapan nito sa Brussels, Belgium upang harapin ang bilateral na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng bloke.

Ipinaabot ni EU Council President Charles Michel ang imbitasyon kay Marcos sa pamamagitan ng liham na ipinarating ni EU Ambassador to the Philippines Luc Véron na kinatawan niya at ni European Commission President Ursula von der Leyen sa presidential inaguration noong Hunyo 30.

Nagpahayag din si Michel ng pag-asa na lalahok si Marcos sa EU-ASEAN Commemorative Summit sa Brussels na nakatakda sa Disyembre.

Nauna rito, sinabi ng Palasyo na wala pang nakatakdang state visit si Marcos dahil abala ito sa pagkumpleto ng kanyang Gabinete. RNT