Imee: Agri smugglers, dapat pangalanan ni PBBM sa SONA

Imee: Agri smugglers, dapat pangalanan ni PBBM sa SONA

July 25, 2022 @ 11:49 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Imee Marcos nitong Lunes na gusto niyang pangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga indibidwal na sangkot sa agricultural smuggling sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).

“Bilang super ate, gusto ko magalit na si Bongbong. Gusto ko magwala na siya, pangalanan na lahat ng agricultural smuggler na nakakasira ng ating pagsasakang lokal,” anang senador.

Nauna nang nagbabala ang Pangulo, na nakaupo bilang kalihim ng Agrikultura, na hahabulin ng gobyerno ang mga sangkot sa smuggling.

Nagpahayag din si Marcos ng pag-asa na babalaan ng kanyang kapatid at muling sampahan ng kaso ang mga tiwaling opisyal sa Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at iba pang ahensya.

“Sana takutin na niya at kasuhan lahat nung mga nasa gobyerno na kilalang-kilalang corrupt sa BOC, BIR, at sa iba pang ahensya,” dagdag pa ni Imee.

“Sana magalit na siya at tunay na sabihin na dadamputin na ‘yung mga kriminal at mga nangangalakal pa rin ng droga,” giit pa ng senadora.

Sinabi ng senador na “oras na” para magalit sa mga nangyayari.

“Palagay ko panahon na magalit kasi hindi na tama at masyado nang mabigat ang dinaranas ng ating mamamayan. Ang taas-taas ng presyo ng pagkain. May kasalanan diyan ang mga importer, cartel, lahat ng sindikato sa DA pwede ba tapusin na natin ‘yan,” aniya.

Dagdag pa niya, dapat ding hulihin ang mga korporasyong hindi nagbabayad ng kanilang excise tax.

Nang tanungin tungkol sa mga posibleng kontra-SONA, sinabi ng senador na may karanasan na si Bongbong Marcos sa pagharap sa mga batikos.

“Ang sabi nga namin sa pamilya, to patol is human, to dedma is divine,” dagdag pa ni Imee.

“Hindi naman sa pangde-dedma. Nakikinig ka sa legitimate criticism pero kung panggulo lang at kagalit mo or inaaway ka lang, eh wag na natin patulan,” aniya.

Samantala, tinanong tungkol sa kanyang inaasahan sa Upper Chamber sa ilalim ng Senate President Juan Miguel Zubiri, sinabi niya na ito ay magiging “efficient.” RNT