Dati pasok si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa sarbey ng ‘magic 12’ ng mga tatakbong senador sa eleksyon sa susunod na taon.
Ngunit, sa sarbey ng Pulse Asia na isinagawa nitong Hunyo 15 hanggang 21 ay kapansin-pansin na wala ang pangalan ni Imee sa nangungunang labindalawa.
Inaasahan kong pasok siya, sapagkat matunog na matunog ang pangalan ni Imee kahit hindi na niya palaganapin ito sa pamamagitan ng tarpaulin, billboard, news conference, media interview, istorya sa mga dyaryo, at paglalabas ng mga kolum tungkol sa kanya.
Pero, malinaw na nalaglag siya sa maging 12.
Masamang senyales ito.
Si Lito Lapid ay sikat na, pero hindi kuntento kaya kasama siya sa “Ang Probinsyano.”
Kaya, kahit galing lamang sa pakikipagbarilan ang ipinapakita ni Lito at konting arte at salita, pasok na siya sa magic 12.
Ang alam ko, ika-14 si Imee sa nasabing sarbey ng Pulse Asia.
Mahaba pa ang panahon bago mag-eleksyon kaya posibleng pumasok uli si Imee sa nangungunang labindalawang tatakbong senador.
Posible ring magtuloy-tuloy ang paglagapak niya.
AYOS NA PROBLEMA NG MGA GURO
Malapit sa akin ang puso ng mga guro, sapagkat kabilang ako sa kanila.
Kaya, malaki ang simpatya ko sa mga guro – lalo na iyong mga nagtuturo sa pampublikong paaralan.
Ang hinaing ng mga guro sa pampublikong paaralan sa Quezon City sa administrasyon ni Mayor Herbert Bautista ay inasikaso na ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Joy Belmonte.
Ito’y bago pa man maglunsad ang mga guro ng kilos-protesta nitong Biyernes sa harapan ng city hall.
Sabi ni Belmonte, itinaas na ang kanilang supplemental allowance sa P1,500 mula sa dating P1,000. Ang longevity pay ay P300 na mula P200.
Iyong quarterly allowance ng mga guro at kawani ng Department of Education sa Quezon City na panukalang gawing P2,000 mula sa P1,500 ay ipinasa na ng Sanggunian sa unang pagbasa nito.
At ang mga gurong magreretiro ay makakukuha ng P300 bawat ipinagsilbing taon sa pagtuturo, ngunit magsisimula ang bilang sa ika-6 na taon ng pagtuturo, patuloy ni Belmonte.
Kaya, walang dapat ipag-alala ang mga guro sa Quezon City, sapagkat hindi nagpapabaya ang Sangguniang Panlunsod.
Kailangan ayusin muna nina Belmonte ang lahat bago sang-ayunan at lagdaan ni Bautista ang ipapasang panukalang ordinansa. – BADILLA NGAYON