Imee natatakot sa korapsyon sa proposed Maharlika Fund

Imee natatakot sa korapsyon sa proposed Maharlika Fund

December 2, 2022 @ 5:07 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nababahala si Senador Imee Marcos na posibleng maging katulad ng planong sovereign wealth fund na Maharlika Investment Funds ang kinasapitan ng 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na nasangkot sa isyu ng korapsyon.

“Nakita natin ang kapitbahay natin– Malaysia. Talagang disaster ang nangyari sa kanilang 1MDB na nakurakot na yung pera, ibinagsak pa ang buong pamahalaan at yung partido na nag-umpisa sa Republika ng Malaysia,” sinabi ni Marcos sa isang panayam.

“Nakakatakot talaga ito kaya pag-isipin nating maiigi kung ito ba ay talagang tamang panahon, kung handa ba ang Pilipinas para sa sariling sovereign fund ngayon,” dagdag ng Senadora.

Kinwestyon din ni Imee ang timing ng pagbuo sa sovereign wealth fund na nasa panahon pa ng krisis at tambak na utang ng bansa, maliban pa sa mga unfunded social services.

“Tama ba yung panahon ngayon na mag-iinvest ka medyo kahit papaano high-risk ‘yan [sapagkat] ang sama sama ng ekonomiya ng buong mundo?” tanong ni Marcos.

“Diyos ko papaano na lang tayo… Alam natin na lumolobo ang utang ng Pilipinas samantalang malaki pa rin ang utang natin sa health workers, di pa bayad. [Yung] senior citizens. Kulang-kulang pa rin ang stipend e ang laki laki ng utang natin panlabas pagkatapos magbibigay pa tayo ng tinatawag na sovereign fund. Pero hindi ko pa nababasa to be fair at hindi naman ako ekonomista,” dagdag nito.

Nababahala din si Marcos sa paggamit ng pension funds ng Government Service Insurance System (GSIS) sa pagbuo ng sovereign wealth fund.

“Sa tingin ko nakakatakot yata ipusta yung retirement fund, ‘yung pension fund ng GSIS. Nakakatakot yata,” aniya.

Sa kabila nito, payag naman si Marcos na pagsama-samahin ang mga kapital ng government financial institutions, government-owned at controlled corporations pero para sa ibang mga proyekto katulad ng dam na magagamit bilang irigasyon ng mga sakahan.

Samantala, nababahala din si Imee kung sino ang hahawak ng naturang pondo.

“Sino magma-manage niyan? Nakita natin sa Norway ‘yung kanilang Central Bank through their Ministry of Finance ang siyang humahawak niyan. Sino ang hahawak satin? Isa pang usapin yan na mainit,” anang Senador.

Nitong Huwebes, Disyembre 1 ay inaprubahan na ng House panel ang panukala na naglalayong magtayo ng bilyong pisong sovereign wealth na tatawaging Maharlika Investment Fund (MIF). RNT/JGC