Imee sinupalpal ng CPP sa martial law amnesty

Imee sinupalpal ng CPP sa martial law amnesty

September 23, 2022 @ 7:47 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinupalpal ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Senador Imee Marcos dahil sa naging pahayag nito na handa niya at ng kanyang pamilya na patawarin ang lahat ng mga kumalaban sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ayon sa CPP, napakakapal ng mukha ni Imee.

“Napakakapal talaga ng mukha ni Imee Marcos para magpanukala ng amnestiya sa lahat ng mga nanindigan at nagsakripisyo ng lahat para lumaban at mag-alsa laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. na kanilang ama,” ani CPP chief information officer Marco Valbuena sa panayam ng GMA News.

Maliban dito, wala umano sa katayuan ang Senador na magpatawad lalo pa at hindi pa nakakapagbayad ang mga ito ng kanilang kasalanan na nagawa sa mga biktima ng Martial Law.

“Wala sa katayuan si Imee na mag-alok ng ‘pagpapatawad’ gayong hindi pa nga sila nakapagbayad sa kanilang mga hindi mabilang na krimen at kasalanan sa taumbayan,” pagdidiin niya.

Matatandaan na kasabay ng paggunita ng ika-50 anibersaryo ng martial law noong Miyerkules, Setyembre 21 ay isinabay rin ni Imee ang suhestyon na magbigay ng total amnesty o kapatawaran sa mga taong sumalungat o kumalaban sa pamumuno ng kanyang ama.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay nagpataw rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng amnesty sa mga miyembro ng mga komunista at rebeldeng grupo. RNT/JGC