Impiyernong pag-ibig: Konduktora sinilaban, BF sinunog ang sarili sa loob ng bus

Impiyernong pag-ibig: Konduktora sinilaban, BF sinunog ang sarili sa loob ng bus

January 3, 2021 @ 5:07 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

QUEZON CITY – Impiyernong pag-iibigan.

 

Ito ang sinasabing mitsa ng pagsunog nang buhay sa isang konduktora ng nakaaway na kasintahan sa loob mismo ng ipinapasadang bus sa Fairview, Quezon City.

 

Ayon sa pulisya, binuhusan ng gasolina ng lalaking salarin  ang kasintahang konduktora ng bus habang nasa gitna ito ng biyahe.

 

Sinabi ng mga nakasaksi na nag-aaway ang konduktorang kinilalang si Amelene Sembana at ang kanyang boypren na patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan.

 

Nang magkainitan sa pagtatalo, sinabuyan ng suspek ang biktima ng gasolina at sinilaban.

 

Naligo rin ng gasolina ang suspek saka sinilaban din ang sarili dahilan upang sabay silang matusta.

 

Apat na pasahero ng bus ang nasugatan sa “mala-impiyernong” pag-iibigan ng konduktora at ng kanyang kasintahan.

 

Naabo rin sa insidente ang bus.

 

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 12:39 ng tanghali nang maganap ang insidente sa southbound lane ng Pearl Drive sa Brgy. Greater Fairview, Q.C.

 

Sa pahayag ni Valentino Obligasion, 45, driver ng Fairview Bus (NAL 6673) at body number 1606, nakita niya na may ibinuhos ang isang lalaking pasahero sa kaniyang konduktora na naging sanhi ng pagliyab nito.

 

“May nakaaway po ‘yung konduktor na pasahero… Nung nakita na lang po, tumatakbo na yung konduktor ko, sinindihan siya nung pasahero… Dun na po nag-umpisa ang sunog,” ayon kay  Obligasion.

 

Ayon naman sa pasaherong si Jennifer Lutao, binuhusan ng lalaki ang konduktora ng hinihinalang gas na nakalagay sa isang maliit na bote at dahil sa mga plastic barrier ay mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng bus.

 

“Tinulak nitong kaaway niya papunta dun sa dulo, sa amin. Nung tumayo yung konduktura, inandihan niya na yung kaaway niya, yung pasahero. Sapakan na sila, suntukan.” ani Lutao.

 

Sinabi naman ni Gemma Acanto, agad na binuksan ng driver ang pinto ng bus nang mangyari ang sunog kaya nagtalunan ang mga pasahero habang ang iba ay dumaan sa binasag na bintanang salamin.

 

Nabatid kay  SF03 Francisco Mabunga ng QC Central Fire Station, naapula ang apoy bandang  alas-1:20 ng hapon.

 

Sa bandang huli ng imbestigasyon, nalaman na magkasintahan ang konduktora at ang lalaking salarin.

 

“Mukhang may problema sila sa kanilang relasyon na naging mitsa ng mala-impiyernong senaryo sa loob ng bus,” ayon sa imbestigador sa kaso. Jan Sinocruz


  •  
  •  
  •  

Loading...