Implementasyon ng anti-bullying law, rerepasuhin ng Senado

Implementasyon ng anti-bullying law, rerepasuhin ng Senado

February 5, 2023 @ 3:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihain ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang resolusyon upang repasuhin ng Senado ang pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 o Republic Act No. 10627.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na layunin ng pagrepaso na matugunan ang nakakaalarmang insidente ng bullying sa paaralan at lumikha ng kaukulang   polisiya at legislative intervention para sa epektibong pagpapatupad ng nasabing batas.

Inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 454 kasunod ng ilang mga insidenteng may kinalaman sa bullying sa mga paaralan.

Kabilang sa mga insidenteng ito ang pananaksak sa isang estudyante ng Culiat High School sa Quezon City na kinasangkutan ng isa ring estudyante ng paaralan.

Ang pinakahuli ay ang alitan sa pagitan ng dalawang mag-aaral sa Ateneo de Davao University.

Binigyang diin ni Gatchalian ang pinsalang dulot ng bullying sa performance ng mga mag-aaral.

Batay sa resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan lumahok ang 79 na bansa, ang mga Pilipinong mag-aaral na 15-taong gulang ang may pinakamaraming karanasan sa bullying.

Ayon sa pag-aaral, 65% sa kanila ang nakaranas ng bullying ng ilang beses sa isang buwan.

Lumabas din sa pag-aaral na mas mababa ng 56 points sa Reading o Pagbasa ang mga mag-aaral na nakakatanggap ng mga banta kung ihahambing sa mga mag-aaral na kakaunti o walang karanasang tulad nito.

Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, kinakailangan ng masusing pag-aaral kung mabisa nga ba ang Republic Act No. 10627.

Aniya, kailangang tiyakin na epektibong pinapatupad ng bawat paaralan ang mga mekanismong nakasaad sa batas, kabilang ang agarang pagtugon, pag-ulat, pagkalap ng impormasyon, pag-dokumento, at pagdidisiplina.

Sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Order No. 55 s. 2013 o ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 10627, magsisilbing Anti-Bullying Committee ang Child Protection Committees (CPC) sa mga paaralan.

“Sa gitna ng nakakaalarmang mga insidente ng bullying at karahasan sa ating mga paaralan, napapanahon ang pagsusuri natin sa umiiral na batas upang matiyak na maitataguyod natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral. Kailangang masugpo natin ang bullying sa ating mga paaralan, lalo na’t nagdudulot ito ng pinsala sa kanilang pag-aaral at mental health,” ani Gatchalian. Ernie Reyes