Implementasyon ng bagong number coding scheme bubusisiin ng MMDA, MMC 

Implementasyon ng bagong number coding scheme bubusisiin ng MMDA, MMC 

May 13, 2022 @ 4:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sanib-pwersa ang Metro Manila Council (MMC) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagsasagawa ng mas malawak na pag-aaral para sa implementasyon ng bagong number coding scheme sa rehiyon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes na si Pasig Mayor Vico Sotto ang nagpanukala na pag-aralang mabuti ang bagay. Nagkaroon kasi ng pagpupulong sa pagitan ng MMDA at MMC bago pa ang 2022 polls.

“’Yan po ay pagpupulungan namin once na matapos po ‘yung further study na ‘yan. At magde-decide po ang MMC kung kailan po ipapatupad itong bagong number coding scheme,” ani Artes.

Mayroon din aniyang suhestiyon na ipagpaliban ang implementasyon ng bagong number coding scheme hanggang sa susunod na administrasyon.

“If the new scheme will be implemented before the current administration ends, it is suggested to have a review on the policy every three months,” ani Artes.

Nito lamang buwan ng Abril, ipinanukala ng MMDA ang bagong number coding scheme na ang pangunahing layunin ay bawasan ng 40 porsyento ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila.

Sa ilalim ng panukalang coding system, ang mga pribadong sasakyan ay pagbabawalan na bagtasin ang mga apektadong lansangan ng dalawang araw mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

“Plate numbers ending 1 and 2 will be on Monday and Wednesday; those ending in 3 and 4 on Monday and Thursday; 5 and 6 every Tuesday and Thursday; 7 and 8 Tuesday and Friday; and 9 and 0 every Wednesday and Friday,” ayon pa rin kay Artes.

Ang mga Public utility vehicles (PUV) gaya ng bus, jeepney, taxi, at ride-hailing services ay “excluded” o hindi kasama mula sa scheme.

Sa kasalukuyan, ipinatutupad ng MMDA ang modified number coding scheme mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi, mula Lunes hanggang Biyernes maliban tuwing holidays. Kris Jose