IMPLEMENTASYON NG DOLE DEPT. ORDER NO. 13-98 BANTAYAN

IMPLEMENTASYON NG DOLE DEPT. ORDER NO. 13-98 BANTAYAN

June 23, 2022 @ 8:25 PM 1 week ago


MAS magiging mabisa ang pagpapaigting ng batas sa occupational safety and health sa construction industry kung magiging seryoso ang lahat ng mga contractor sa pagsunod sa mga panuntunan.

Sa ilalim ng umiiral na Department Order No. 13-98 o Guidelines Governing Occupational Safety and Health in the Construction Industry ng Department of Labor and Employment na inaprubahan noong July 23, 1998 ng dati at ngayon ay nagbabalik na Labor Secretary Bienvenido Laguesma, malaki ang pag-asang lalo pang umangat ang naturang industriya sa pa­mamagitan ng malawakang pagbibigay ng proteksiyon sa mga manggagawa.

Ilan sa mga kautusang ito ang pagsusumite ng Cons­truction Safety and Health Program ng mga kontratista sa DOLE regional office.

Sa pamamagitan nito, masisigurong magiging ligtas sa aksidente at sakit ang mga obrero.

Mababantayan pa ng DOLE kung naibibigay ang kanilang mga karapatan at kapakanan.

Kabilang din sa mga order ang pagkakaloob ng aprubadong personal protective equipment.

Naku, madalas pagtalunan ang isyung ito. May nakalap kasi tayong balita na hindi sapat ang PPE na isinusuot ng mga manggagawa.

At heto pa, may contractor pa raw na nanghihingi ng bayad sa bawat PPE na iniis­yu sa kanila. Napakasakit nito dear readers.

Para sa kaalaman ng lahat, malinaw na nakasaad sa batas na hindi dapat pagbayarin ang isang manggagawa sa anomang gagamiting PPE.

In short, libre at dapat kom­pleto na nakasaad din sa Rule 1080 ng OSH standard.

Hindi na natin iisa-isahin ang iba pang kautusan na nakapaloob sa 20 sections ng DO 13-98.

Ang atin lamang, maipabatid sa ating mga contractor at mga manggagawa ang mabuting layunin nito-ang paunlarin ang construction industry sa pamamagitan ng pagbibigay-proteksyon para sa kapakanan ng lahat.