IMPORTASYON NG ISDA BINIRA

IMPORTASYON NG ISDA BINIRA

January 31, 2022 @ 11:25 AM 8 months ago


SINTUNADO yata si Department of Agriculture Secretary William Dar sa pag-apruba nitong umangkat ng 60,000 metriko toneladang galunggong para sa unang bahagi ngayong taon upang suportahan daw ang kakulangan ng suplay dulot ng pinsala ng bagyong Odette sa fishing industry ng bansa.

Ayon sa BFAR, aabot daw sa 119,000 metric tons ng isda ang inaasahang kakulangan ng suplay dahil sa mala delubyong bagyong sadyang apektado ang mangingisda sa Visayas at Mindanao.

Idinagdag din ni Secretary Dar ang closed season sa ilang bahagi ng karagatan sa bansa kabilang ang Visayan Sea kung saan ipinagbawal mangisda rito ang mga dambuhalang commercial fishing vessel mula Nobyembre 15 hanggang Pebrero 15 kada taon, ang dahilan din umano ng pagbaba ng suplay ng isda sa mga merkado.

Subalit napakaliit lang ng kakulangang ito kung pagbabatayan ang ninakaw ng isda at iba pang lamang-dagat ng mga Tsinoy sa West Philippine Sea na umaabot sa 3.6 milyong kilo ayon sa Tugon Kabuhayan, isang food security advocacy group.

Batid ng sanlibutang pagmamay-ari ng ‘Pinas ang kabuuang parte ng WPS kung saan pinaniniwalaang 7.2 milyong kilo ng isda kada buwan ang hinahakot ng mga Chinese vessel dito mula pa noong lusubin at angkinin ng gobyerno ng China ang lugar na ito ayon kay Asis Perez, dating BFAR Director at convenor ng Tugon Kabuhayan.

Ang masaklap pa,hindi pa nga nagsisimula ang importasyon ni Mang William, nagpupuslit na ng galunggong ang China sa bansang maliwanag pa sa sikat ng buwang mula naman sa WPS.

Sabi nga ng mga pobreng mangingisda, hindi lang tayo ginisa sa sarili nating mantika, ginawa pa tayong tanga dahil sunod-sunuran ang gobyerno sa kapritso ng China.

Hindi naman sa pinupwersa ng mga kababayan na makipag-giyera ang bansa sa isang super power na anomang oras ay kaya itong tirisin subalit hirit lang ng sambayanan na bantayan at ipaunawa sa mga dayuhang ito na atin ang karagatan na ‘yang karapatan ng bawat mangingisdang kababayan ang manghuli ng isda rito na hindi tinatakot at tinataboy ng Tsinoy.

Ibig sabihin, sa WPS pa lang, sobra-sobra ang suplay rito sa ilang milyong Pinoy na umaaray na ngayon sa napakamahal na presyo ng isda bunsod sa kakulangan ng suplay sa bansa.