IMPORTED GALUNGGONG, GALING DIN SA ‘PINAS

IMPORTED GALUNGGONG, GALING DIN SA ‘PINAS

January 26, 2022 @ 6:22 AM 8 months ago


Nag-anunsiyo kamakailan ang Department of Agriculture (DA) na mag-aangkat ang bansa ng 60,000 metric tons ng galunggong.

Hindi bilib sa hakbang na ito  si Partido Reporma senate candidate Dra. Minguita Padilla.

Naniniwala kasi siya na sa malamang, galing din sa bansa ang bibilhing isda ng gobyerno.

“Napapakamot na lang ng ulo ang ilan sa ating mga kababayan, kasama na ako, sa hakbang na ito ng DA,” sabi ni Padilla.

“Saan tayo bibili ng ganung karaming galunggong? Sa China? Alam naman natin ang ating maritime dispute sa bansang iyan,” aniya.

Bagaman nauunawaan niya na naapektuhan ang ating supply dahil sa mga nakaraang bagyo, iminungkahi ni Padilla na maaaring maiwasan ang shortage kung kikilos lamang ang gobyerno.

Giit ng pambato ng Partido Reporma, kinakailangang buhusan ng budget ang agrikultura at pangingisda sa bansa, lalo na ang mga daungan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Una, kailangan nating magdagdag ng mga ports. Mahigit pitong libong isla ang mayroon sa bansa, madaming coast lines yan.

Pangalawa, kailangan maglagay tayo ng infrastructure kung saan maaaring itago muna ang mga bangka, lalo na kung alam natin na may parating na bagyo.

Paliwanag ni Padilla, maliliit lamang ang mga bangka ng mga mangingisda sa bansa, dahilan kung bakit kaya naman sanang maisalba ang mga ito sa hagupit ng mga bagyo. Kailangan din nating maglagay ng mga canneries at cold storage facilities na malapit sa ating mga daungan.

Sa ganitong paraan, mas maraming produktong mapo-produce ang ating mga fisher folk mula sa kanilang huli, sabi ni Padilla.

Ang LGUs o kooperatiba ay puwede ring mag-invest sa reefer vans, o mga truck na may mga freezer, para hindi mabulok ang mga isda at iba pang lamang-dagat kapag pinapadala ang mga ito sa malalayong lugar.

Anang doktora, ang pagpasa sa Kamara ng Rural Financial Inclusion and Literacy Bill na naglalayong magbigay dagdag kaalaman sa mga maralita sa bansa ukol sa financial systems ay lubos na kapuri-puri.

Malaki nga namang tulong ito sa ating mga magsasaka at mangingisda na kalimitan ay napagsasamantalahan ng ilan dahil sa kanilang lack of knowledge pagdating sa pangungutang sa bangko. Sana lang maipasa din ito sa Senado, aniya.

Higit sa alinman ani Padilla, kailangan nating protektahan ang ating likas na yaman. Tungkulin ng estado iyan, at kailangang itaguyod natin ang ating soberenya.