Imported onions ibebenta ngayong linggo

Imported onions ibebenta ngayong linggo

January 24, 2023 @ 5:00 PM 7 days ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Bureau of Plant Industry (BPI) na halos 600 metric tons (MT) ng inangkat na sibuyas ang nasa cold storage at inaasahang ibebenta ngayong linggo.

“Ayon sa latest information, nasa may 218 metric tons ng dilaw na sibuyas, or yung puting sibuyas, 370 metric tons ng pulang sibuyas yung nasa cold storage na,” pahayag ni BPI Industry Information Section OIC Jose Diego Roxas sa Laging Handa briefing nitong Martes.

Sinabi niya na sumasailalim pa ito sa second border inspection — nangangahulugang sinisilip ng mga awtoridad ang mga container para tiyakin na declared ang mga ito.

“Sa ngayon inaasahan natin na within this week maaari na nating mabili yung mga sibuyas na pumasok,” ani Roxas.

Inisyal na plano na mag-angkat ng 21,000 MT tons ng sibuyas, subalit sinabi ni BPI officer-in-charge Gerald Panganiban na halos 5,000 MT ang inaasahan dahil 25 porsyento lamang ng approved allotment ang saklaw ng aplikasyon sa pag-aangkat.

“Pag merong hindi umabot, yun ay pababalikin sa pinagmulan. Tayo po ay mahigpit na magpapatupad ng must-arrive date na January 27 para naman maging patas tayo at hindi bahain ng sobra-sobra yung merkado ng sibuyas,” paglalahad niya. RNT/SA