Importers kay PBBM: Taripa sa baboy bawasan sa gitna ng manipis na global supply

Importers kay PBBM: Taripa sa baboy bawasan sa gitna ng manipis na global supply

September 30, 2022 @ 8:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umapela ang Meat Importers and Traders Association (MITA) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ang taripa sa pag-angkat ng baboy sa susunod na limang taon upang matiyak ang seguridad sa pagkain at palamigin ang inflation.

Kapag kasi hindi ginawa ni Marcos ang nasabing hakbang ay tataas lalo ang presyo ng karneng baboy sa Pilipinas, ayon sa babala ng MITA.

Nauna nang inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalintulad na hakbang sa ilalim ng Executive Order 134 S2021 upang punan ang puwang nang tumaas ang presyo ng karne dahil sa pagkagambala sa suplay na dala ng African swine fever.

“The conditions that warranted the issuance of EO134 still exist today and in fact has gotten worse for the Philippines as well as for the global landscape,” saad sa pahayag ng grupo.

“Thus we appeal to Your Excellency to issue a new Executive Order and reinstate the import duty rates on pork of 5 percent in quota and 15 percent out quota for a duration of 5 years,” panawagan pa ng MITA kay Marcos.

Binigyang-diin ng grupo na nananatiling panganib ang ASF sa domestic swine industry. Sinabi rin nito na mayroong 1 hanggang 3 porsiyentong pagbawas sa bilang ng mga inahing baboy sa mga pangunahing rehiyon ng paggawa ng baboy sa mundo, kabilang ang mga nasa Europa at Hilagang Amerika.

Ang pagbabawas ng mga taripa ay isang agarang solusyon habang pinalalakas ng bansa ang lokal na agrikultura upang makamit ang seguridad sa pagkain, sinabi ng grupo.

Ilang bansa tulad ng New Zealand ang nagbawas ng mga taripa sa baboy, idinagdag nito. RNT