Manila, Philippines – Kumalat sa social media ang isang video ng bata na iniwan ng kaniyang mga magulang sa sasakyan sa Metrowalk, Pasig noong Linggo (July 9) na lubhang ikinagalit ng mga netizens.
Ang video ay kuha ng isang concerned citizen kung saan pinakikita ang umiiyak na bata sa loob ng nakapatay na sasakyan sa parking lot ng Metrowalk sa Pasig habang ang kaniyang mga magulang ay nagwawalwal umano sa nasabing commercial hub.
Inamin ng ina ng bata ang kaniyang pagkakamali ngunit itinanggi ang mga alegasyon na siya ay nagwawalwal sa mga panahon na iyon.
“Maling iniwan ko ‘yung bata. Tinatanggap ko po ‘yan.”
“Mali naman yung sinabi na nagwalwal. Hindi ako lasing. Ang breastfeeding hindi puwedeng uminom,” sabi ng ina ng bata sa isang interview.
Dipensa pa niya, hindi rin daw niya ni-lock ang pintuan ng kotse at binuksan pa ng kaunti ang bintana ng sasakyan.
“Bilang ina po, wala akong intensiyon na patayin ‘yung anak ko. Anak ko ‘yan eh,” sabi pa niya.
Nauna dito, sinabi rin ng ina ng bata na iniwan niya ang bata upang kumain ng ng dinner.
Hindi naman ito tinanggap ni Dr. Bernadette Madrid, executive director ng Child Protection Network Foundation, Inc., isang non-government organization na nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga bata.
“This is endangering so puwede talaga siyang makasuhan,” sabi ni Madrid sa panayam.
“Puwedeng mamatay ‘yung bata diyan. Puwedeng ma-heat stroke,” at sinabi pang maari rin magkaroon ang bata ng emotional trauma.
Wala rin daw katanggap tanggap na dahilan para iwanan ang isang bata sa loob ng kotse para lang kumain sa labas.
“Bakit kung kumain ka sandali hindi mo madala ‘yung bata who is very young?”
Paalala naman ni Madrid sa publiko, kung magkaroon muli ng ganitong klaseng insidente, agad dapat itong ipaalam sa mga awtoridad.
“Kung ‘yung bata ay unconscious na, you need to immediately get the child out,” sabi pa niya. (Remate News Team)