Ina ng pinaslang na dalagita: ‘Di lang iisa gumawa nito

Ina ng pinaslang na dalagita: ‘Di lang iisa gumawa nito

August 20, 2022 @ 1:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Naniniwala ang ina ni Princess Marie Dumantay, ang 15-anyos na natagpuang patay sa Bulacan, na marami pang indibidwal ang sangkot sa pagpatay sa kanyang anak bukod sa suspek na naaresto sa Camarines Sur.

Ayon sa ulat, pinasalamatan ni Perlita Conde ang mga awtoridad sa mabilis na pagkakaaresto sa primary suspect na si Gaspar Maneja Jr.

“Bilang magulang, sa aking pakiramadam, hindi lang ito nag-iisang gumawa sa anak ko alam kong mayroong kasama itong gumawa sa anak ko. Alam mo, konsensya mo ‘yung ginawa mo sa anak ko,” pahayag ni Conde.

Nahuli ng mga miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang suspek sa kanyang tahanan sa Pamplona, Camarines Sur.

Narekober mula sa kanya ang isang itim na sasakyan na pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ginamit upang itapon ang bangkay ni Princess sa masukal na lugar sa Bustos, Bulacan kung saan ito natagpuan noong Agosto 12.

Nakilala umano ni Maneja si Princess sa isang bikers’ group.

“Na-trace natin siya sa area ng Pamplona kung saan doon namin siya nakuha sa bahay nya pero  bago siya umuwi sa bahay, nagtago pa ito sa gubat,” ani Police Lt. Col. Mederic Villarete, hepe ng CIDG sa Camarines Sur.

Nangako naman si Maneja na makikipagtulungan sa imbestogasyon subalit ayon sa mga pulis, nauna na siyang umamin sa krimen. Humingi rin siya ng dispensa sa pamilya ng biktima na apektado sa sitwasyon.

Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Bustos, Bulacan Police, at nahaharap sa kasong rape at murder.

“Siguro po hingi muna ako ng tamang taong maga-ano sakin kung ano po ang tamang gawin. Magulo rin po ang sitwasyon ko ngayon. Pasensya na po. Makikipag-cooperate po ako. Sasabihin ko naman yung tama at totoo po,” pahayag niya.

Iniugnay naman ni PNP CIDG Chief PBGen. Ronald Lee ang pagkakaaresto kay Manejasa koordinasyon sa pagitan ng provincial police ng Bulacan at Camarines Sur.

“Yun pong succes ng kaso na ito ay masasabi ko na dahil ‘yun sa pakikipagtulungan lahat ng ibang unit ng ating pulisya lalong lalo na ‘yung pagbibigay agad ng data o information from the Bulacan Police Provincial Office. Ito ay immediate at timely information na naibigay nila ay naaksyunan agad namin at nahuli agad-agad,” aniya. RNT/SA