Ina patay sa anak sa P100K

Ina patay sa anak sa P100K

February 26, 2023 @ 4:41 PM 1 month ago


NAGUILIAN, Isabela – Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang isang security guard na pumatay sa sarili nitong ina at tinangay ang P100,000 ng huli, iniulat kahapon, Pebrero 25 sa bayang ito.

Kinilala ang suspek na si Alphie Ocampo, 36-anyos, security guard sa Laguna, at tubong Purok Uno, Palattao, Naguilian, Isabela.

Nangingitim at wala na ring buhay nang matagpuan ng kanyang apo ang biktima at ina ng suspek na si Lucylyn Ocampo, 63-anyos at residente sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Naguilian-PNP, umaga ng Sabado nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kuwarto sa nasabing lugar.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakitaan ng mga pasa sa leeg ang biktima at posibleng pinatay sa pananakal bago tinakpan ng unan ang mukha nito.

Nadiskubre rin na nawawala ang P100,000 ng biktima na nakalagay sa kanyang bag at nakalaan sa pagpapagawa nila ng bahay.

Kwento ng apo ng biktima na si James, bandang alas-9 ng gabi nitong Biyernes ay napadaan siya sa bahay ng kanyang lola at nakita niya itong nakahiga sa kama kaya hindi na niya ito ginising sa pag-aakalang tulog na ito.

Kinabukasan, nagtataka na lamang sila at hindi pa gising ang matanda kahit na tirik na ang araw samantalang ugali na nitong nagigising bago pa man sumikat ang araw.

Agad naman nilang tinignan ang biktima sa loob ng kanyang silid at nakahiga pa rin ito kaya ginising na nila hanggang sa hindi na ito nagigising at nangingitim na.

Ayon sa mga kaanak, dalawang linggo pa lamang ang suspek sa bahay ng kanyang ina matapos manirahan at magtrabaho sa Maynila sa loob ng 13-taon.

Nanawagan naman ang Naguilian-PNP sa publiko sa sinuman na nakakakilala sa suspek at alam ang kinaroroonan nito ay agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan. Mary Anne Sapico