Ina, patay sa sariling anak sa Pagadian City

Ina, patay sa sariling anak sa Pagadian City

July 14, 2018 @ 6:23 PM 5 years ago


Pagadian City – Patay ang 47-anyos na ginang sa Barangay Banale, Pagadian City nang pukpukin ng malaking bato ng kanyang anak na pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip.

Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na si Gina Tinga, na naglalaba sa ilog nang mangyari ang krimen.

Itinuturong suspek sa krimen ang 20-anyos na anak ng ginang na si Almer Tinga.

Sa salaysay sa pulisya ng mister ng biktima na si Willy, 47-anyos, natagpuan ng kanyang 9-anyos na anak na babae na duguan at halos walang buhay ang ginang sa mabatong bahagi ng ilog.

Agad na sumaklolo ang mister nang rumesponde ito sa sumbong ng kanyang anak ngunit nang kanyang buhatin ay wala nang buhay ang biktima.

Ayon kay Police Officer 1 Renjie Narciso, imbestigador ng Pagadian City Police Station, binagsakan ng malaking bato sa ulo ang biktima na sanhi ng agarang pagkamatay nito.

“Malaki yung bato ipinukpok sa ulo niya for the instant death of the victim,” pahayag ni Narciso.

Itinuro naman ng mister si Almer na umano’y responsable sa krimen dahil sa malimit umanong awayin ng suspek ang kanyang ina kapag hindi nabibigyan ng pera o walang makain sa bahay.

Sinasabing lulong sa ilegal na droga at solvent ang suspek.

“Batay sa imbistigasyon sa crime scene at batay na rin sa mga pahayag ni Willy, wala na silang ibang alam na pwedeng gumawa ng krimen kundi yung anak niyang si Almer,” ayon pa kay Narciso. (Jeff Gallos)