Albay – Nagnegatibo laboratory test at hindi shabu ang nakitang walong sachet ng tila crystalline substance na nakita sa sasakyan ng pinaslang na mamamahayag na si Joey Lana.
Ayon kay Supt. Benito Dipad, hepe ng Daraga police, negatibo sa methamphetamine hydrochloride ang white crystalline substance na natagpuan sa bag ni Llana at ayon din sa urine sample ay hindi ito gumagamit ng iligal na droga.
Pinabulaanan ng resulta ng laboratory exam ang inisyal na report na posibleng sangkot sa iligal na droga ang broadcaster.
Bukod sa mga test ay wala rin sa narcolist ang pangalan ni Llana.
Sa ngayon ay patuloy pa ang Task Force Llana sa imbestigasyon sa motibo at suspek ng pagpatay sa mamamahayag.
Si Llana ay tinambangan kahapon ng umaga sa tapat mismo ng bahay nito bago pumasok sa kanyang trabaho sa radio station ng DWZR sa Legazpi City. (Remate News Team)