Inalis na WBA title bigong mabawi ni Pacquiao

Inalis na WBA title bigong mabawi ni Pacquiao

July 11, 2021 @ 7:16 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Ibinasura ng World Boxing Association (WBA) ang apela ni Sen. Manny Pacquiao na maibalik sa kanya ang titulong binawi dahil sa hindi pagsabak sa boksing ng halos dalawang taon.

Matatandaang inalis ng WBA ang pagiging welterweight champion ni Pacman nitong taon at idineklara itong “Champion in Recess” matapos mabigong depensahan ang kanyang korona sa loob ng dalawang taon.

Matapos bawiin ay ibinigay ng WBA ang welterweight belt sa no. 1 contender na si Yordenis Ugas ng Miami, USA.

Naghain ng apela ang kampo ni Pacquiao sa WBA noong buwan ng Mayo upang mabawi ang korona matapos isapinal ang laban nito kontra kay Errol Spence sa Agosto 21 na gaganapin sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, subalit  ibinasura lang ng WBA ang apela nito.

Ipinagkibit-balikat na lamang ni eight division champion Pacquiao ang naging desisyon ng WBA dahil wala naman itong epekto sa nalalapit na laban nito kay Spence.

Nakataya sa Pacquiao-Spence bout ang dalawang korona na hawak ni Spence na IBF at WBC welterweight belt. Rico Navarro